REP. ANGELICA NATASHA CO
BHW Party-list | Member for the Minority, Health,
Economic Affairs, and 12 other Committees
Author, Barangay Health and Wellness Reform Act (House Bill 3985)
09177292437 | https://www.facebook.com/BHWPhilippinesOfficial/
BAGO MAGBALIK TRABAHO, LARGE-SCALE TESTS ISAGAWA MUNA
· Malawakang COVID-19 tests dapat isagawa muna bago pabalikin sa trabaho ang milyung-milyong industry workers
· Medical frontliners – BHWs, doktor, nurses, dapat bigyan prayoridad sa tests
· Mahihirap na LGUs, pinaalalayan sa national government
· Terminong ‘large-scale testing’ ng WHO ang dapat gamitin
· Large-scale testing simulan na ASAP
Marami sa mga lungsod at munisipalidad ng ating bansa ang walang kakayahan para magpatupad ng libreng COVID-19 testing para sa kanilang mga constituents.
Matingkad ang problemang yan sa mga 2nd, 3rd, 4th, 5th, at 6th class LGUs. Kahit nga yung mga first class cities at highly-urbanized cities, hindi lahat ay tulad ng Marikina na kayang magtayo ng sariling molecular laboratory.
Batid ang sitwasyong ito, hinihiling natin sa national government na alalayan, sa pamamagitan ng pondo at testing slots, ang mga LGUs na gustong magpa-large-scale testing para malaman kung sino sa mga residente nila ang mayroong COVID-19, may sintomas man o wala.
LARGE-SCALE COVID-19 TESTING
Mahalagang maisagawa muna ang large-scale testing bago pabalikin sa kani-kanilang industriya ang mga manggagawa. Ito ay para maging ligtas ang gradual na pagbalik sa trabaho ng mga Pilipino at ang pagbangon ng ating ekonomiya.
Suportado ko ang House Bill 6707 (Crush COVID-19 Act) na isinusulong ng aking mga kasamahan sa Minorya. Iminumungkahi kong bigyang prayoridad sa isinusulong na House Bill 6707 ang agarang COVID-19 tests para sa medical frontliners kabilang ang mga doktor, nurses, at barangay health workers sapagkat sila ang literal na humaharap sa mga pasyente. Vulnerable silang dapuan ng sakit.
Hiling ko rin sa IATF na gamitin bilang batayan sa large-scale testing ang World Health Organization standards, guidance, at procedures.
Ayon sa mga pamantayan ng World Health Organization (WHO), hindi nila ginagamit ang terminolohiyang "mass testing". "Large-scale testing" ang ginagamit ng WHO.
Ibasura na natin ang paggamit ng "mass testing" at sundin ang pamantayan ng WHO.
NASAAN ANG MGA PONDO
Samantala, batid natin na mayroong pondo mula sa Asian Development Bank at mga bansa para sa COVID-19 testing equipment at pasilidad.
Nasaan na ang mga pondong ito at saan ito ginagamit o gagamitin? Detalyadong ulat hinggil dito ang kailangang makita ng Kongreso. (WAKAS)